CAUAYAN CITY- Umakyat na sa medium risk category ang Ilagan City dahil sa naitatalang kaso ng COVID 19.
Matatandaan na matapos ang naitalang COVID-19 outbreak noong Oktubre ay unti unti bumaba at nasa low risk category ang Ilagan City.
Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Cauayan tinatayang nasa 42 aktibong kaso ng COVID-19 ang Ilagan City at nasa 1.9 % ang naitatalang daily attack rate na ikinokonsidera bilang medium risk category.
Sa naging pagpapahayag ni Mayor Jose Marie Diaz,kanyang sinabi na ang sanhi ng pagdami ng binabantayang kaso ay dahil sa operasyon ng molecular laboratory at pagsasagawa ng mass testing.
Karamihan sa mga naitalang kaso ay mga residente na nahawa sa kanilang mga katrabaho na mula sa Ibang mga bayan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang localized lockdown sa Barangay Bliss, Brgy. Marana 1st at Purok 2 ng California Homes sa Brgy. Alibagu matapos na maitala ang panibagong kaso ng COVID 19.
Ipinasara muna ang mga establisyemento at mga pwesto sa naturang lugar makaraang mag-positibo sa virus ang ilang residente.
Magsasagawa ng disinfection at malawakang contact tracing sa mga naturang lugar.
Binigyan na rin ng mandato ang City Inter-Agency Task Force na salain na mabuti o hanapan ng mga kaukulang dokumento tulad ng travel pass at medical certificate ang mga pumapasok na motorista sa Ilagan City na mula sa mga medium at high risk areas.