-- Advertisements --

Nakakuha ng ikatlong freeze order ang Anti-Money Laundering Council laban sa mga indibidwal na sangkot sa kontrobersya sa flood control projects.

Ang pinakahuling freeze order ay inaprubahan ng Court of Appeals nitong Martes, Setyembre 30, na sumasaklaw sa 836 bank accounts, 12 e-wallets, 24 insurance policies, 81 sasakyan, at 12 real estate properties.

Sa kabuuan kabilang ang dalawang naunang freeze order, naparalisa na ang 1,563 bank accounts, 54 insurance policies, 154 sasakyan, 30 ari-arian, at 12 e-wallets.

Ito na ang pinakamalawak na asset freeze mula nang magsimula ang imbestigasyon.

Ayon kay AMLC Executive Director Matthew David, ang pag-freeze ng iba’t ibang assets gaya ng bank accounts, e-wallets, sasakyan at ari-arian ay paraan para putulin ang daloy ng pera sa mga tiwaling gawain.

Dagdag pa niya, malinaw ang layunin ng AMLC na pigilan ang pagwaldas ng nakaw na kaban ng bayan, bawiin ito para sa gobyerno, at papanagutin ang mga sangkot sa money laundering.