-- Advertisements --
ABIAD SUSPEK ALIAS MATA

Nasa kustodiya na ngayon ng Quezon City Police District ang ikalawang suspek sa pananambang sa photojournalist na si Joshua Abiad.

Ito ang inanunsyo ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III sa isang ambush interview sa Camp Karingal sa bahagi ng Quezon City sa kasagsagan ng PNP Press Corps shootfest.

Kinilala ang naturang suspek na si Jomari Dela Cruz Campillo o alyas Mata na nagsilbing spotter sa nasabing krimen.

Sa kuha ng CCTV footage, tinukoy ng pulisya na si Campillo ang lalaking sakay ng motorsiklong nakasunod sa sinakyang kotse ng gunman sa nasabing pamamaril.

Ayon kay PBGEN Torre, naaresto si Campillo sa Pangasinan Solid North Transit EDSA, sa Cubao, Quezon City kung saan narekober din mula sa kaniya ang isang caliber 9mm na baril.

Aniya, agad na nagtago ang suspek sa probinsya sa labas ng National Capital Region kasama ang kaniyang pamilya at nagpasyang bumalik muli sa Metro Manila sa pag-aakalang malamig na ang naturang kaso atsaka na naaresto ng mga otoridad.

“You know old school policing, nalaman namin na manggagaling sa isang province outside of Metro Manila. Inabangan naming siya sa terminal. So pagbaba niya ng bus sinalubong na lang natin” ani QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III.

Samantala, sa pagharap ni alyas Mata sa media ay kinumpirma nitong nagsilbi nga siyang spotter ng biktima kapalit ng Php15,000 na halaga na agad naman niyang natanggap pagkatapos nilang gawin ang nasabing krimen.

Kwento pa ni alyas Mata, siya rin ang nagmanman sa mga kilos at galaw ni Joshua Abiad limang araw bago nila ito tinambangan.

Aniya, sa bigat ng konsensyang kaniyang dala-dala at pati na rin sa nararamdamang awa sa kaniyang pamilya kaya’t boluntaryo na aniya siyang sumuko sa mga otoridad.

“Nung umpisa pinagplanuhan si Abiad, yun ang una kong sama sa kanila. Tricycle driver ako eh kaya spotter lang ako” kwento ni alyas Mata.

“Si Juan pinaka konektado nila doon. Ang pinakamastermind yung Nanad tapos ang kanang kamay nun si Greg tapos
kinontak lang kami ni Juan.. Hindi ko nameet yung Nanad at Greg. Tinawagan lang ako ni Juan”
dagdag pa niya.

Samantala, matapos na maging instrumento sa pag-atake kay Abiad kung saan nadamay din ang kaniyang mga kaanak at nasawi pa ang apat na taong gulang nitong pamangkin ay lubos naman ang hinihinging kapatawaran ni alyas Mata sa pamilya ng mga biktima.

“Sa pamilya ni Abiad patawarin niyo sana ako. Kusa ako sumuko. Nakosensya din ako sa bata. May mga anak din ako maliliit kaya sana patawarin niyo sa aking nagawa. Pasensya na talaga.”

Kaugnay nito ay patuloy na tiniyak ni PBGEN Torre na magpapatuloy ang kanilang ikinakasang manhunt operation laban sa mga suspek sa nasabing krimen upang tugisin na rin si alyas Nanad na itinuturong mismong utak sa likod ng nasabing krimen.

“Ongoing ang manhunt. Mas malapit na tayo ngayon sapagkat ito nga, may information tayo additional galing kay alias Mata”.