Dumating na kaninang alas-7:16 ng umaga ang isa pang batch ng ilang daang libong doses ng COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac Biotech.
Lulan ang 400,000 doses ng Sinovac vaccines, dumating kanina sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang Boeing 777 ng Philippine Airlines (PAL) mula Beijing.
Ito na ang ikalawang batch ng donations mula sa Beijing, kasunod ng unang 600,000 doses na kanilang ibinigay sa Pilipinas noong Pebrero 28, na bahagi ng kanilang ipinangakong libreng 1 million doses ng bakuna.
Kaagad namang idiniretso sa mga storage facilities ng Department of Health ang mga dumating na bakuna mula China.
Sa ngayon, mayroon nang higit 1.5 million doses ng COVID-19 vaccines ang Pilipinas, kasama na ang dumating na 400,000 doses ng Sinovac vaccines at ang naunang 525,600 doses na AstraZeneca vaccines mula sa Covax Facility.
Kahapon, sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na darating na rin sa Pilipinas sa Marso 29 ang 1 million doses ng Sinovac vaccine na binili naman ng pamahalaan gamit ang sariling pera nito.
Bukod dito, mayroon pang paparating na mga 979,200 doses mula naman sa COVAX facility mula Marso 24 hanggang 26.
Sinabi ni Galvez na aabot sa 140 million doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahan nilang darating sa Pilipinas ngayong taon, hindi pa kasama ang alokasyon mula sa COVAX Facility.
Ito ay matapos na malagdaan na rin ang supply agreements mula sa Sinovac, AstraZeneva, Moderna at Novovax.
Nabatid na target ng pamahalaan na masimulan ang mass vaccination drive nito sa darating na Mayo pagkatapos na mabakunahan ang 1.7 million healthcare workers sa bansa.
Sa nakalipas na mahigit tatlong linggo nang simulan ang COVID-19 vaccination program sa bansa, tanging 336,656 pa lang ang nababakunahan.
Karamihan sa bilang na ito ay pawang mga healthcare workers at ilang mga national government at local officials na hindi sumunod sa priority leist.
Ang mababang vaccination rate ay sa kabila nang 98% o 1,105,600 mula sa 1,125,600 doses na ng AstraZeneca at Sinovac doses ang naipamahagi na sa 1,623 vaccination sites sa 17 rehiyon.