Nanawagan ang ilang miyembro ng Kamara sa administrasyong Marcos at mga ahensya ng gobyerno na agad ipatupad ang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ng kanyang kampo para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order laban sa pagpapatupad ng warrant ng International Criminal Court (ICC).
Malugod na tinanggap ng Makabayan bloc na kinabibilangan nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Co ang naging desisyon ng SC at nanawagan sa mga ahensyang tulad ng Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at iba pa na tiyaking maipatupad ang warrant nang walang pagkaantala.
Giit ng mga mambabatas, hindi dapat magamit ang mga legal na hakbang at teknikalidad upang maantala ang paghahatid ng hustisya.
Samantala, sinabi ni Akbayan Rep. Perci Cendaña na dapat magsilbing “go signal” ang desisyon ng Korte Suprema para sa isang mas pinaigting na operasyon laban kay Dela Rosa, na kasalukuyang pinaniniwalaang nagtatago.
Binigyang-diin din ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon na panahon na para magtulungan ang mga law enforcement agencies upang ipatupad ang batas kaugnay ng international warrant laban sa senador. (Report by Bombo Jai)
















