Inilabas ng International Criminal Court (ICC) ang agenda para sa status conference ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Mayo 27.
Ayon sa international tribunal, nakapokus ito sa mga paghahanda tungo sa paglilitis sa kasong crimes against humanity ng dating pangulo.
Kabilang sa mga usaping tatalakayin ay ang panukalang petsa para sa pagsisimula ng trial, ang dami ng mga testigo at ebidensiya, expert witnesses, witness protection measures, disclosure obligations at posibleng karagdagang incidents na posibleng isama ng prosecutors sa kaso.
Nagtakda na rin ng schedule ang Trial chamber para sa pagtakay sa mga napagkasunduang facts, interpretation at translation na kailangan, partisipasyon ng mga biktima at mga mosyon na kailangang resolbahin bago simulan ang trial.
Isasapubliko naman ang unang status conference para sa trial ng dating Pangulo, bagamat ayon sa mga hukom, posibleng gawing pribado ang ilang porsyon nito sakaling may mga sensitibong isyu na idulog may kaugnayan sa seguridad ng mga testigo.
















