Naglabas ng Executive Order No. 116 si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nag-uutos na taasan ang Minimum Access Volume (MAV) o dami ng pinapayagang angkat na karne ng baboy sa bansa para sa taong 2026.
Sa ilalim ng bagong kautusan, itataas ang alokasyon ng pork imports mula sa kasalukuyang 54,210 metric tons (MT) patungong 204,210 MT.
Layunin nito na mapanatili ang sapat na suplay at masigurong abot-kaya ang presyo ng karne ng baboy at mga processed meat products sa merkado.
Para sa Palasyo, ang nasabing habang ay bahagi ng mas malawak na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) agenda ng administrasyon sa ilalim ng EO 110.
Layon nitong mapagaan ang epekto ng krisis sa Middle East sa ekonomiya ng Pilipinas at maprotektahan ang kapakanan ng mga apektadong sektor.
Inatasan ng Pangulo ang MAV Management Committee (MMC) na tiyakin ang patas na pamamahagi ng dagdag na pork imports kung saan 30,000 MT ang ilalaan para sa mga meat processors, habang ang mas malaking bahagi na 120,000 MT ay mapupunta sa Food Terminal Inc. (FTI) o para sa Kadiwa ng Pangulo Program.
Batay sa EO, inirekomenda ng MMC ang pagpapalawig ng MAV para sa baboy ng karagdagang 150,000 MT taon-taon sa loob ng dalawang taon upang matugunan ang kakulangan sa suplay at mapigilan ang pagtaas ng presyo nito.
Inutusan din ni Pangulong Marcos ang komite na bumalangkas ng mga panuntunan sa loob ng 30 araw upang matiyak na ang mga alokasyon para sa FTI at Kadiwa ay magagamit nang tama at mabilis para sa kapakanan ng mga mamimili.
Nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang EO 116 noong Mayo 19, 2026, sa ngalan ng Pangulo, at agarang ipatutupad matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa mga pangunahing pahayagan.
















