-- Advertisements --

Itinuturing na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa bilang “armado at mapanganib” sa gitna ng umiiral na standard protocols sa gitna ng patuloy na pagtugis sa kaniya para isilbi ang arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC).

Ito ang naging tugon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nang matanong kung ikinokonsidera na ba ang senador bilang armado at mapanganib matapos na umalis sa premises ng Senado madaling araw noong Mayo 14 kasunod ng shooting incident at hindi pa rin malaman ang kinaroroonan hanggang sa ngayon.

Paliwanag pa ng NBI chief na bahagi ng standard protocol na kapag nagsasagawa sila ng operasyon o tinutugis ang isang pugante, itinuturing na nila itong armado at mapanganib.

Nauna na ngang bumuo ang NBI ng isang grupo para hanapin ang senador, na itinuturing ng isang pugante. Inatasan na rin ni Matibag ang kanilang mga tauhan sa district at regional offices ng NBI para magsagawa ng sariling monitoring sa kanilang nasasakupang lugar para sa posibleng lead na makapagtuturo sa kinaroroonan ng senador.

Naniniwala naman si Matibag na alam ni dela Rosa kung paano kumilos ang mga tagapagpatupad ng batas at kung paano siya matutunton bilang siya ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP).

Muling umapela rin ang NBI chief sa senador na sumuko na ng mapayapa sa mga awtoridad.