Mistula umanong hindi ‘under attack’ ang Senado kasunod ng naganap na barilan noong May 13, ayon kay Sen. Erwin Tulfo.
Ito ay taliwas sa naunang iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na inatake ang Senado noong nangyari ang shootout.
Inihalimbawa ni Sen. Tulfo ang video na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) kasunod ng anim na araw na isinagawa nitong imbestigasyon.
Ayon kay Tulfo, lumabas sa naturang video na ang unang nagpaputok ay si Senate Sergeant at Arms chief, ret. Gen. Mao Aplasca at hindi ang sinumang ‘umatake’ sa mataas na kapulungan.
Nilinaw naman ng senador na naiintindihan niya ang naging pahayag ni Cayetano kamakailan ukol sa isyu ng ‘under attack’ dahil kumukuha lamang ang Senate leader ng impormasyon mula sa Senate security.
Gayunpaman, dahil ang security head ng Senado ang unang nagpaputok, sa kasalukuyan ay mahirap pa rin aniyang paniwalaan ang kaniyang salaysay ukol sa nangyari.
Dahil dito, kailangan aniya ng mas mahigpit na imbestigasyon sa nangyaring kaguluhan upang malinawan ang publiko, law enforcement agencies, at ang Senado.















