Isinumite na ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang pang-anim na batch ng mga ebidensiya sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay parte ng pre-trial proceedings sa kaso ng dating Pangulo may kaugnayan sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng madugong war on drugs ng kaniyang administrasyon.
Nasa kabuuang 267 items na ang naisumite ng prosekusyon mula ng simulan ang disclosure of evidence noong Abril 30 at dalawang beses na ring hiniling ng mga ito ang pagpapalawig sa itinakdang pagsusumite ng nasabing mga dokumento na inaprubahan naman ng ICC.
Layunin ng extension na ito na mabigyan ng pagkakataon ang prosekusyon na mai-apply ang standard redactions sa ilang mga materyales para maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga testigo at matiyak ang kanilang kaligtasan.
Lahat naman ng mga materyales na isinumite ay magiging parte ng ebidensiya na gagamitin ng prosekusyon sa pagdinig ng kumpirmasyon ng kaso ng dating Pangulo na nakatakdang isagawa sa Setyembre 23, ng kasalukuyang taon.
Sa nakatakdang pagdinig, tutukuyin kung may sapat na ebidensiya para ipagpatuloy ang trial at kung sakali man na kumpirmahin ang mga kaso laban sa dating Pangulo, mahaharap si Duterte sa full trial sa ICC.