Ikakasa na ng Atin Ito Coalition ang ikatlong civilian mission sa West Philippine Sea simula sa Lunes, Mayo 26 hanggang Mayo 30.
Inanunsiyo ito nina Atin Ito Coalition Convenors Ed Dela Torre at Akbayan party president at mission commander Rafaela David ngayong araw ng Huwebes, Mayo 22.
Isasagawa sa naturang civlian mission ang unang konsyerto sa WPS para sa kapayapaan at pagkakaisa tampok ang mga kilalang Filipino at international artists.
Maliban sa sunset musical event na isasagawa sa El Nido, Palawan, sinabi ni David na magsasagawa din ng dialogue sessions at cultural exchanges at concert performance sa exclusive economic zone (EEZ) malapit sa Pag-asa island.
Magsasama-sama dito ang mga artist, musicians, mga mangingisda at civil society leaders mula sa Pilipinas at mga karatig na bansa para isulong ang kapayapaan, dayalogo at cultural exchange.
Base sa schedule na iprinisenta ni David sa media, magsisimulang maglayag ang civilian ship na T/S Felix Oca sa Maynila patungong El Nido, Palawan dakong alas-6 ng umaga sa Linggo, Mayo 25. Inaasahang darating ito sa sunod na araw at inaasahang darating ng hapon ang mga artist na kasama sa konsyerto.
Ilan sa mga inaasahang magtatanghal sa peace concert sa El Nido ay ang Filipino musical artist na si Noel Cabangon, Ebe Dancel, ang rock band na Rouge, P-pop group na HORIZON at iba pa habang inaasahan din dito ang international performers gaya ng Japanese artist na si Fumi, Indonesian at Malaysian singer na sina Viona at Kai Mata at South Korean girl group na I:Mond.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang coalition sa gobyerno ng Pilipinas at coast guard para ma-monitor ang civilian mission mula sa ligtas na distansiya.