Iniulat na isang Pinay immigrant ang asawa ng federal immigration officer na bumaril at pumatay umano sa 37-anyos na si Renee Nicole Good sa Minneapolis noong Miyerkules ayon sa sa kumpirmasyon ng kanyang pamilya.
Kinilala sa mga ulat ang opisyal bilang si Jonathan Ross, 43, isang Enforcement and Removal Operations (ERO) agent ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE). Ayon sa kanyang ama, ang asawa ni Ross na 38 taong gulang ay ipinanganak sa mga magulang na kasalukuyang naninirahan pa rin sa Pilipinas at isa na ngayong ganap na American citizen.
Inilarawan ng mga kapitbahay ang asawa ni Ross bilang magalang, palakaibigan, at palabati, na taliwas umano sa mas tahimik at reserved na personalidad ng opisyal.
Kasal ang mag-asawa mula pa noong Agosto 2012 at may mga anak.
Magugunitang naganap ang insidente noong Enero 7, 2026, sa bahagi ng Minneapolis habang isinasagawa ang isang federal immigration operation. Ayon sa mga awtoridad, pinaputukan umano ni Ross ang sasakyan ni Good matapos umanong paniwalaan na nagdudulot ito ng banta.
Gayunman, lumabas ang mga video ng insidente na nagbunsod ng mga tanong kung makatwiran ba ang paggamit ng nakamamatay na puwersa.
Ilang sektor at lokal na opisyal ang nagpahayag ng pagdududa sa bersyon ng mga federal authority.
Nag-ugat ang insidente ng malawakang protesta sa Minneapolis at iba pang bahagi ng Estados Unidos.
Nanawagan rin ang mga human rights at migrant advocacy groups ng pananagutan at masusing imbestigasyon, kasabay ng pagkwestiyon sa papel ng ICE sa pagpapatupad ng batas sa isang komunidad.
















