-- Advertisements --

Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya habang nililitis ang mga kaso laban sa kanya.

Ayon sa Pre-Trial Chamber I ng ICC, nananatiling kailangan ang kanyang pagkakakulong alinsunod sa mga probisyon ng Rome Statute.

Sa desisyon ng korte, binigyang-diin na ang patuloy na detensyon ni Duterte ay makatarungan batay sa bigat ng mga akusasyon, pangangailangang masigurong haharap siya sa paglilitis, at upang maiwasan ang posibleng panghihimasok sa imbestigasyon o banta sa mga biktima at saksi.

Si Duterte ay nasa kustodiya ng ICC sa The Hague mula pa noong Marso 2025, kaugnay ng tatlong bilang ng murder na itinuturing na “crimes against humanity” dahil sa kanyang kontrobersyal na kampanya kontra droga noong panahon ng kanyang panunungkulan.

Noong Hunyo, naghain ang kanyang kampo ng petisyon para sa pansamantalang pagpapalaya, gamit ang mga dahilan tulad ng umano’y mahinang kalusugan at kakulangan sa kakayahang humarap sa paglilitis. Sinabi rin ng kanyang mga abogado na hindi tutol ang kasalukuyang administrasyon sa kanyang pansamantalang paglaya—bagay na kalaunan ay pinabulaanan ng Malacañang.

Tumutol ang Office of the Prosecutor ng ICC sa kahilingan, at iginiit na dapat dumaan sa masusing pagsusuri ang mga alegasyon ukol sa kalusugan ni Duterte. Nagpahayag din ng pangamba ang Office of Public Counsel for Victims sa posibleng pagkaantala ng hustisya para sa mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga.