-- Advertisements --

Tinanggihan ng Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng legal na kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patawan ng excusal ang dalawang ICC judges na maghahawak sa kanyang kaso na may kinalaman sa crimes against humanity.

Sa isang desisyon na may apat na pahina na inilabas noong Mayo 6, ipinaliwanag ng chamber na ang isang judge lamang ang maaaring humiling na magpa-excuse sa ICC Presidency, at hindi maaaring maghain ng preemptive request ang mga partido ng dating Pangulo.

Binanggit sa desisyon na ang anumang kahilingan mula sa mga partido para sa excusal ng dalawang judges ay ”walang wastong proseso.”

Nabatid na ang apela ng kampo ni Duterte, na isinampa noong Mayo 1, ay humihiling ng partial excusal kina Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at Judge María del Socorro Flores Liera dahil sa posibleng pagkakaroon umano ng bias na pagtingin dulot ng kanilang mga naunang desisyon ukol sa parehong isyu sa kaso ng Pilipinas.

Kasama rin sa mga hakbang na isinampa ng kampo ni Duterte ang isang “Defence Challenge with Respect to Jurisdiction” at ang kahilingan para sa kanyang agarang pagpapalaya.

Ayon sa mga abogado ni Duterte, hindi nasunod ang mga kondisyon para magamit ang hurisdiksyon ng ICC nang pinayagan ang imbestigasyon noong Setyembre 15, 2021, dahil umalis na ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong Marso 2019.

Sa kasalukuyan, nakakulong parin si PRRD sa ICC sa The Hague, Netherlands, at nakatakda ang confirmation of charges nito sa Setyembre 23, 2025. Ang prosekusyon ay naghahanda ng mga ebidensya para sa pagdinig, kabilang ang dalawang testigo, 16 na oras ng mga video, at halos 9,000 pahina ng dokumento.