-- Advertisements --

Hinimok ng grupo ng mga human rights lawyer ang International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang petisyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa interim release.

Sa isang statement, inihayag ng Center for International Law (CenterLaw) na mailalagay sa banta at panganib ang mga biktima, testigo, human rights defenders at iba pa na nangahas na makibahagi sa imbestigasyon ng ICC sakaling pansamantalang palayain ang dating Pangulo sa isang hindi isiniwalat na bansa.

Bilang nagsilbi aniyang legal counsel ng maraming biktima ng marahas na war on drugs ng dating Pangulo, lubha silang nangangamba na ang paglaya ni Duterte mula sa kustodiya ng ICC ay direktang maging banta sa kaligtasan, seguridad, dignindad at privacy ng mga biktima sa Pilipinas at sa ibang bansa gayundin makakasira sa integridad ng nakabinbing paguusig sa kaniyang kasong crimes against humanity.

Ipinunto din ng grupo na hindi dapat makahadlang sa paghahanap ng katotohanan at hustisiya na mandato ng korte ang edad at kalusugan ng dating Pangulo bilang justification sa petisyon niya para makalaya.

Giit ng mga grupo na mas masahol pa ang dinanas ng mga drug war victims na pinagkaitan ng due process at senentensiyahan ng summary execution sa mga kalsada at mga bahay dito sa Pilipinas kumpara sa kasalukuyang dinadanas ni Duterte sa detention facility ng ICC.

Hindi lang din umano makokompormiso ang tiwalang ibinigay ng mga pamilya sa kamay ng ICC kundi magiging pahiwatig ito sa international community na maaaring matakasan ng mga salarin na may malawak na karahasan ang hustisiya sa pamamagitan ng pagantala, paglihis at pagmamaniobra sa pamamagitan ng procedure at pulitika.

Kayat kung sakaling palayain umano ng ICC ang dating Pangulo, magbibigay ito ng malinaw na mensahe sa mga Pilipino na protektado ng impunity ang makapangyarihan habang nananatiling walang tulong o proteksiyon ang mga biktima.

Sa huli, nakiisa ang grupo sa malawakang panawagan mula sa mga pamilya ng mga biktima, Filipino civil society at international community of human rights defenders sa naghihimok sa ICC na tanggihan ang petisyon ng dating Pangulo at ituloy na usigin ang kaniyang umano’y crimes against humanity nang naaayon sa international law.