Iginiit ni Senador Rodante Marcoleta na dapat sa Pilipinas isinagawa ang anumang paglilitis at pagpaparusa kung sakaling may pagkakasala si dating Pangulong Rodrigo Duterte alinsunod sa umiiral na mga batas ng bansa.
Kasalukuyang nakaditine si Duterte sa The Hague Netherlands kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Giit ng senador sa ad interim appointments ng 24 na foreign service officials ng Department of Foreign Affairs, hindi sinunod ng International Criminal Court (ICC) ang sarili nitong mga regulasyon at patakaran sa pag-aresto.
Aniya, may umiiral na domestic law na nagsasaad na kahit ang mga kasong tinuturing na international crimes ay saklaw pa rin ng hurisdiksiyon ng bansa.
Umaasa ang senador na dahil sa tungkulin ni dating DFA Secretary Enrique Manalo bilang Permanent Representative of the Philippines to the United Nations in New York, USA, ay maaaring matanong nito at masuri kung ang mga naganap na proseso ay regular o dapat pang bigyan ng masusing pag-aaral.