Isa umanong malinaw na patunay na legal at valid ang nangyaring session ng Senado noong June 3 ang matapang na pahayag ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Sinabi ng IBP na legal at may bisa ang isinagawang sesyon ng Senado noong Hunyo 3, dahil nakabatay ang kanilang posisyon sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco noong 1949.
Ayon sa IBP, ang lahat ng aksyon, resolusyon, at desisyong ginawa sa sesyon—kabilang ang pagkakahalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang acting Senate President at ang pagtatalaga ng mga bagong pinuno ng komite ay itinuturing na may bisa.
Ang naturang pahayag, ayon kay De La Salle University College of Law professor, Atty. Jojo Lacanilao, ay nagpapakitang mas nakararami sa mga abogado sa buong bansa ang sumusuporta sa naging kaganapan sa Senado sa naturang araw.
Isa rin itong matibay na suporta at ‘statement’ na nagsasabing nasa panig ng Gatchalian bloc ang batas at local jurisprudence, tulad ng binanggit ng IBP sa kanilang pahayag.
Sa kabila nito, mananatili aniyang acting ang pagiging Senate leader ni Sen. Gatchalian hangga’t hindi pa rin umaabot sa 13 ang bilang ng mga senador na pumapabor sa kanila.
Paliwanag pa ni Lacanilao, bagaman may ibang mga abogado na posibleng tumututol sa naging hakbang ng Gathalian bloc, sinunod lamang ng naturang grupo ang akma, legal, at ‘logical’ na hakbang para makapagtrabaho na ang naturang kapulungan kasunod ng ilang beses nang hindi pagdalo ng Cayetano bloc sa plenaryo.
















