Naging maayos umano ang pag-usad ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa unang anim na araw na paggulong ng paglilitis.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, malaki ang ambag ng dalawang panel para mapanatili ang maayos na pag-usad ng trial, sa kabila ng mga serye ng courtroom debate sa pagitan ng dalawang team.
Nakatulong din ng malaki aniya ang mga serye ng paghahanda ng Senado at ang kooperasyon ng mga senador, aktibong presensiya ng Senate Sergeant-at-Arms, at iba pang mga bisita.
Paliwanag ng Senate President, may aspeto ng peace and order ang impeachment trial dahil isang mataas na political figure ang nililitis kaya binigyang-pansin ng Senado ang seguridad at kaayusan ng mga paglilitis.
Sa kabilang banda, tiyak umanong magiging exciting ang trial sa Lunes, July 20.
Inaasahan kasing haharap sa naturang araw si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag habang ilalabas na rin ng impeachment court ang desisyon sa hinihinging subpoena ng House prosecution panel.
Ayon kay Gatchalian, ang hinihingi o ipinapasubpoenang dokumento ay ang maituturing na pinakamahalagang aspeto ng complaint. Sa pamamagitan kasi ng mga naturang dokumento ay makikita ng korte ang kabuuan ng financial issue na ibinabato laban sa pangalawang pangulo ng bansa.
















