Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagtulingan at sumuko ang lahat ng sangkot sa flood control anomaly.
Sa isang statement, ipinaalala ng lider ng Kamara na may pananagutan sa batas ang sinumang nagkukubli o humahadlang sa pag-usad ng naturang hakbang.
Aniya, iginagalang din niya ang naging hakbang ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na pagdulog sa Office of the Ombudsman.
Naniniwala din si Dy sa kakayahan ng ICI na gampanan ang mandato nito, dahilan kaya hindi na aniya itinuloy pa ng Kamara ang kahalintulad na imbestigasyon upang hayaan na ang komisyon na makapagtrabaho ng tuluy-tuloy.
Sinegundahan din ng House Speaker ang pahayag ng Pangulo na anumang posibleng kaso ay dapat nakabatay sa kabuuang ebidensiya at dapat tumugon ang Ombudsman sa direksiyong tinutumbok nito dahil ang ebidensiya aniya ang dapat na maging batayan sa pananagutan.
Sa huli, iginiit ng House Speaker na nananatili ang kanilang paninindigan na igalang ang proseso at suportahan ang mga institusyong may tungkulin na alamin ang buong katotohanan upang mapanagot ang dapat na managot at makamit ang tunay na hustisiya para sa mamamayang Pilipino.
Sa ngayon, ayon sa Pangulo, nasa pito na sa may warrant of arrest kaugnay sa flood control anomaly ang naaresto na, dalawa ang handang sumuko at pito pa ang nananatiling at large kabilang na si dating Cong. Zaldy Co.
















