BAGUIO – Nakahanda ang mga opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) na makiisa sa House inquiry hinggil sa pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio sa loob ng akademya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay PMA information officer Major Reynan Afan, sinabi niya na nakabukas ang akademya sa anumang katanungan hinggil sa pagkakasawi si Dormitorio.

Gayunman, tumanggi itong magbigay ng pahayag hinggil sa kahilingan ng ilang kongresista na pagbaba sa puwesto ni PMA Superintendent Major General Ronnie Evangelista.

Sinabi lamang ni Afan na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente para maparusahan ang mga mapapatunayang responsable.

Kaugnay nito ay sinabi ni Afan na pinag-aaralan pa ng PMA kung muling isasara ang akademya sa mga turista kapag araw ng Sabado at Linggo matapos itong isara sa mga bisita noong weekend, may kaugnayan pa rin sa pagkamatay ni Dormitorio.