Dismayado si House Justice Committee Chair at Batangas Rep. Gerville Luistro sa hindi pagdalo ni VP Sara Duterte sa mga serye ng pagdinig ng komite, sa kabila ng mga ipinadalang imbitasyon.
Sa isang panayam, inihayag ng committee chairperson ang kaniyang pagkadismaya, lalo at lagi rin aniyang naglalabas ng pahayag ang kampo ng pangalawang pangulo.
Sa katunayan aniya, nagpapatawag pa ang kampo ng bise ng press conference at doon sila naglalabas ng kasagutan.
Bagaman kinikilala ng komite aniya ang karapatan ng pangalawang pangulo na hindi dumalo sa pagdinig, nakakalungkot pa ring hindi siya dumalo para sana sumagot sa mga alegasyon, at kuwestyunin ang mga ebidensiyang inihaharap sa kaniya.
Paliwanag ng abogadong mambabatas, noong magsisimula pa lamang ang pagdinig ay wala pang ‘posisyon’ o pinapanigan ang komite dahil lahat ng mga miyembro nito ay pawang nagsisilbi bilang mga imbestigador.
Maituturing aniyang impartial at independent ang mga ito bilang imbestigador noong mga panahong iyon, dahil sisimulan pa lamang nila ang pagsisiyasat sa pamamagitan ng mga serye ng hearing.
Hindi inaalis ni Luistro ang posibilidad na ididismiss pa ng maraming miyembro ng komite ang mga alegasyon, depende sa magiging presentasyon ng pangalawang pangulo.
Nanindigan naman ang mambabatas na nabigyan ng sapat na pagkakataon ang kampo ng pangalawang pangulo para dumalo, sumagot, at magpresenta ng kanilang argumento sa loob ng apat na hearing session, hanggang sa tuluyang bumuto ang mga miyembro na may sapat na basehan para i-impeach ang pangalawang pangulo. (report by Bombo Genesis)
















