-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Budget and Management (DBM) na wala pang balak ang gobyerno na magbenta ng mga ari-arian sa nalalapit na hinaharap para pandagdag sa gagamiting pondo sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado, bagama’t posibleng gagawin ito ng gobyerno sa oras na masaid na ang pondo pero malayo pa sa ngayon lalo na’t sadyang lumaki ang doillar reserves ng Pilipinas kaya wala silang pangamba.

Ayon kay Sec. Avisado, dahan-dahang binubuksan na rin ang ekonomiya para ito’y muling sumigla at balik-operasyon na ang mga negosyong naapektuhan ng pandemya.

Idinagdag pa ni Sec. Avisado na tukoy na rin nila ang pagkukunan ng perang pambili ng bakuna laban sa COVID-19 gaya ng unang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Magugunitang noong Abril, inihayag ni Pangulong Duterte na ikinokonsidera nitong magbenta ng government properties para pondohan ang COVID-19 response ng gobyerno.

Pero naniniwala naman si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na nagbibiro lamang si Pangulong Duterte at hindi kailangang magbenta ng government assests para lang maka-avail ng COVID-19 vaccines.