-- Advertisements --

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mas mabilis at tuloy-tuloy na pamamahagi ng fuel subsidy matapos kumpirmahin na umabot na sa higit P651 milyon mula sa kabuuang P2.5 bilyong pondo ang naibigay sa mga public utility vehicle (PUV) drivers at operators sa buong bansa.

Ito ang naging bagong anggulo ng ahensya matapos aminin na nagkaroon ng bahagyang abala sa unang yugto ng pamamahagi na nagsimula pa noong ika-25 ng Marso.

Sa isang pahayag, inatasan ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II ang lahat ng kanilang regional directors na siguruhin ang mabilis, maayos, at walang abalang pag-aabot ng nasabing cash assistance.

Batay sa datos ng ahensya, mula sa kabuuang P651,185,000 na naipamahagi, pinakamalaking pondo ang napunta sa Metro Manila na nakatanggap ng P181.2 milyon.

Sumunod dito ang CALABARZON na may P98.2 milyon, at Central Luzon na nakakuha naman ng P73.4 milyon.

Kumpiyansa ang pamunuan ng LTFRB na mas mapapabilis na ang pag-usad ng programa sa mga susunod na araw upang matulungan ang sektor ng transportasyon.

Saklaw ng ayuda ang mga nagmamaneho at operators ng mga tradisyunal at modern jeepneys, UV Express, passenger at point-to-point buses, Transport Network Vehicle Service (TNVS) partners, Filcabs, taxi, tricycle, at maging ang mga delivery services.