Umaabot sa P61.2 million halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) kasama ang iba pang PNP units sa isinagawang buy bust operations bandang alas-9:30 kagabi sa may bahagi ng Enrique M. Factor Road, Brgy Don Galo, Paranaque City.
Mismong si PNP DEG director B/Gen. Randy Peralta ang nanguna sa nasabing operasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP DEG Deputy Director for Administration Col. Marlou Martinez, kaniyang sinabi na nanlaban daw ang suspek sa mga otoridad na nagresulta sa armadong labanan.
Nasawi sa naturang operasyon ang isang drug suspek na nakilalang si Joe Marie Ordiales a.k.a. Roger habang nakatakas naman ang isang suspek na si Arturo Santos Jr a.k.a. Pugo.
Nakumpiska ng mga otoridad ang nasa siyam na kilos ng white crystalline substance na umano’y methamphetamine hydrochloride o mas kilalang shabu, isang sasakyan, travelling bag, caliber .45 pistol at boodle money na isang milyong piso.
Ayon kay Martinez, matagal din nilang pinlano ang nasabing operasyon at kagabi nagkaroon ng magandang pagkakataon.
Nabatid na ang mga suspeks ay mga well-known distributors ng illegal drugs na konektado sa tinaguriang MIK siblings at GIB group.
Modus daw ng grupo na nilalagay ng mga ito ang iligal na droga sa mga humidifier, air fryer at sa iba pang mga appliances.
Siniguro naman ni Col. Martinez na magpapatuloy ang PDEG sa kanilang trabaho at misyon na linisin ang mga komunidad laban sa iligal na droga.
Pinuri naman ni PNP OIC chief Lt/Gen. Vic Danao ang matagumpay na operasyon ng PDEG.