VIGAN CITY – Umabot na sa P531.61 milyon ang iniwang pinsala ng pananalasa ng Bagyong Tisoy sa bansa lalo na sa sektor ng agrikultura.
Sa mensaheng ipinadala ni Agriculture assistant Secretary/spokesman Noel Reyes sa Bombo Radyo Vigan, sinabi nito na karamihan sa mga nasirang pananim at kabuhayan ng mga magsasaka ay naitala sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at Bicol Region.
Ayon kay Reyes, kabuuang 14,637 ektarya ng lupang pansakahan ang sinira ng nasabing bagyo kung saan aabot sa 18,455 metric tons ang lugi ng 39,808 magsasakang apektado.
Aniya, pinakaapektadong pananim ay palay, mais at high-value crops at ang naitalang lugi sa palay ay tinatayang P318.94 milyon.
Una nang ipinagbigay-alam sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar na inihahanda na nila ang mga ayudang ibibigay sa mga apektadong magsasaka.
Ilan dito ang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar na aabot sa P250milyon; ilang bag ng binhi ng palay, corn seeds at binhi ng gulay, kasama na rin ang P65 milyon na Survival Recovery Program na pautang na sakop ng Agricultural Credit Policy Council; maliban pa ang available funds na nasa Philippine Crop Insurance Corporation para sa mga napinsalang pananim.