Umabot na sa mahigit 9,500 classrooms sa buong bansa ang napinsala dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat at mga nagdaang bagyo, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa pinakahuling assessment ng DepEd, 1,594 na paaralan ang naapektuhan, habang nasa 9,597 classrooms ang nagtamo ng minor hanggang major damage.
Pinakamalaki ang pinsala sa Central Luzon, kung saan 3,596 classrooms sa 412 paaralan ang naapektuhan. Umabot naman sa 126,584 learners sa rehiyon ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha.
Sa Central Luzon, Pampanga ang may pinakamaraming nasirang classrooms na umabot sa 1,689, sinundan ng Bulacan na may 933.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na pangunahing prayoridad ngayon ng ahensya ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, habang sinisikap na mabawasan ang epekto ng kalamidad sa kanilang pag-aaral.
Kailangan umano ng DepEd ng paunang P318.01 million para sa minor repairs at cleanup ng 1,594 na apektadong paaralan.
Sa Central Luzon lamang, tinatayang P109.71 million ang kailangan, kabilang ang P12.69 million para sa debris cleanup at sanitation at P97.02 million para sa minor repairs ng 1,980 classrooms.
Kukuha ang DepEd ng pondo mula sa Disaster Preparedness and Response Program, gayundin sa special budget request sa Department of Budget and Management.
Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Department of Labor and Employment para magamit ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) sa paglilinis at clearing operations sa mga paaralan.
Samantala, tinatayang aabot sa P2.604 billion ang kakailanganin para sa major repairs at reconstruction ng mga paaralan sa buong bansa.















