-- Advertisements --

Kabuuang 866,970 doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas ngayong Biyernes ng gabi.

Ang bagong batch ng bakuna kontra COVID-19 ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 pasado alas-9:00 ng gabi.

Ayon sa National Task Force Against COVID-19, bukas, Nobyembre 6, ay may darating pa na 866,970 doses ng Pfizer vaccine.

Lubos na nagpapasalamat si Assistant Secretary Wilben Mayor, head ng sub-task group on current operations ng NTF, sa United States government para sa tulong at suportang ibinigay nila para makabili ang Pilipinas ng naturang mga bakuna.

Ang mga bagong dating bakuna ay gagamitin para sa mga batang edad 12 hanggang 17 sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Samantala, hindi pa aabot sa isang porsiyento ng ilang libong kabataan na edad 12 hanggang 17 ang nabakunahan na kontra COVID-19 na nakaranas naman ng adverse effects, ayon sa Department of Health.

Ang expanded pediatric COVID-19 vaccination ay sinimulan ng pamahalaan ngayong linggo lamang kasunod ng pilot vaccination para sa mga batang may comorbidities sa Metro Manila, na sinimulan naman noon lang Oktubre 15.