Agad natapyasan ng mahigit 600 ang bilang ng mga bar hopefuls na hindi na dumalo sa unang araw ng 2022 Bar examinations.
Sa data ng Korte Suprema, mula sa orihinal na bilang ng mga nag-apply na 9,821 ay naging 9,207 na lamang ito o nasa 614 ang hindi na nakilahok sa prestihiyosong pagsusulit.
Katumbas ito ng 92.01 percent turnout.
Sinabi naman ni Supreme Court Associate Justice at Bar Examinations Committee chairperson Alfredo Benjamin Caguioa para sa unang araw ng bar exam ay naging maganda naman ang kinalabasan.
Sinabi ng kataas-taasang hukuman na nag-monitor mismo si Caguioa ng bar exam mula sa Command Center sa National Capital Region at bumisita rin sa mga pinakamalapit na testing sites.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Brian Keith Hosaka, ang tagapagsalita ng Korte Suprema, sinabi nitong patuloy lamang na mag-review ang mga natitirang bar examinees at huwag kalimutang samahan na rin ng dasal.
Sa datos ng pinakamataas na korte ng Pilipinas, ang local testing center sa Ateneo de Manila University ang mayroong pinakamalaking bilang ng examinees na umabot sa 2,233.
Sinundan ito ng Saint Louis University in Luzon na mayroong 947 examinees at De La Salle University na mayroong 762 examinees.
Binisita rin nina Chief Justice Alexander Gesmundo, Senior Associate Justice Marvic Leonen, Justice Ramon Hernando, Justice Amy Lazaro-Javier, Justice Rodil Zalameda, Justice Jose Midas Marquez, justice Maria Filomena Singh, Associate Justice Antonio Kho at Justice Japar Dimaampao ang mga testing sites.