ILOILO CITY – Nakatakdang dumating sa Iloilo ngayong araw ang panibagong batch ng mga local strandees na galing sa Puerto Princesa, Palawan, matapos ang ipinatupad na enhanced community quarantine dahil sa pangamba sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Gilbert Marin, Provincial Tourism officer sa Iloilo, sinabi nito na karamihan sa mga local strandees na darating ngayong araw ay mga nagtatrabaho sa mga hotel sa Palawan na temporaryong nagsara dahil na rin sa krisis na kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Marin, isa-isang susunduin ng kani-kanilang local government unit ang nasa 110 na local strandees para iuwi sa kanilang bayan kung saan sila sasailalim sa home quarantine.
Sa nasabing bilang, 96 dito ang residente ng siyudad ng Iloilo, at 14 naman ang sa probinsya ng Iloilo at galing sa mga bayan ng Pavia, Balasan, San Dionisio, Passi, Miag-ao, Sara, San Miguel, Barotac Viejo, Tubungan Cabatuan.
Samantala, inaasahin din ang pagdating ng mga local strandees galing ng Boracay Island sa Biyernes.