Nasa 345 pamilya o katumbas ng 1,392 indibidwal ang lumikas mula sa 13 barangay sa paligid ng Bulkang Taal.
Ayon kay NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) spokesperson Mark Timbal, batay ito sa ulat kaninang alas-5:00 ng madaling araw ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ng Batangas.
Sa nasabing bilang, 317 pamilya o 1,282 indibidwal ang nasa 11 evacuation center habang 28 pamilya o 110 indibidwal ang pansamantalang tumutuloy sa mga kamag-anak sa mas ligtas na lugar.
Ang mga lumikas ay mula sa 13 apektadong barangay sa anim na bayan at siyudad sa Batangas.
Ito ay ang Barangay Poblacion at Sinturisan sa San Nicolas, Batangas; Barangay Gulod, Buso Buso, Bugaan West, Bugaan East sa Laurel; Subic Ilaya, Banyaga, at Bilibinwang sa Agoncillo; Barangay Apacay sa Taal; Barangay Luyos at Boot sa Tanauan City; at Barangay San Sebastian sa Balete.
Sinabi naman ni Timbal na sa ngayon ay wala pang ipinatutupad na mandatory evacuation subalit “off-limits” na ang Taal.
“The high-risk barangays naman po are being evacuated by the LGUs based on the recommendation of Philvocs,” ani Timbal.