BUTUAN CITY – Handang bigyan ng seguridad ng Butuan City Police Office ang taga-Securities and Exchange Commission (SEC) na ipatupad ang kanilang kautusan laban sa Kabus Padatoon (KAPA) International Community Ministry Incorporated.

Ito ang nilinaw ni Butuan City Police Director, P/Col. Alberto Magno bilang tugon sa kautusan ng SEC na nag-deputize sa kanila kasama ang taga-NBI at local government unit (LGU) upang ihinto na ang investment scam ng nasabing grupo.

Ayon kay Magno, nagpalabas na siya ng memorandum na nag-udyok sa kanyang mga pulis na iwasan ang pagbibigay ng donasyon o kaya’y pag-invest sa KAPA dahil sa kwestyunableng operasyon nito.

Aminado siyang mayroon na siyang mga tauhang miyembro ng KAPA na nagbigay na ng donasyon ngunit wala silang legal na basehan upang pigilin ang mga pulis sa mga gustong nilang papasukan.