-- Advertisements --

Bawal na ihatid at sunduin ng non-APOR ang Authorized Persons Outside Residence (APOR), batay sa bagong guidelines na inilabas ng IATF.

Paliwanag ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, maaabuso ang gagawing paglabas ng non APOR kung papayagan ang mga itong sumundo at maghatid ng mga kamag-anak na otorisadong lumabas.

Binigyang-diin ni PNP Chief, hindi makalulusot sa mga checkpoints ang mga APOR kung ihahatid sila ng mga non-APOR.

Ayon kay PNP Chief, mahigpit na ipatutupad ng PNP sa kanilang mga checkpoints ang nasabing alituntuntunin.

Sinabi ni Gen. Eleazar na mayroon naman aniyang public transportation na maari nilang sakyan papasok ng trabaho at pauwi ng bahay.

” Dapat malaman natin na sila ay mga workers nung mga permitted industries ng ECQ. Kakaunti na lang po yan, mga essential establishments na lang po yan. Ngayon yung tinatawag nating consumer APOR ito yung isa sa bawat household na bibigyan sila ng quarantine pass ng barangay, lalabas sila para bumili nung mga pagkain. Una may curfew ito, bibili ka lang during non-curfew kasi sarado naman yung mga tindahan na bibilhan mo. Pangalawa, hindi ka puwedeng mag cross ng mga borders nung mga city. Meaning to say taga Pasay ka hindi ka puwede pumunta ng Quezon City o Caloocan para mag grocery. Hanggang doon ka lang at dapat during non curfew hours. Ngayon merong tayong pangatlong category diyan yung belonging sa mga medical and humanitarian reasons. Iba na po yun pero basically tandaan lang po natin yung workforce at consumer APOR,” paliwanag ni Eleazar.

Samanatala, nilinaw din ni JTF Covid Shield Commander Lt Gen. Israel Ephraim Dickson na hindi maiipit sa traffic sa mga checkpoint ang mga cargo at delivery trucks dahil may dedicated lane para sa kanila.

Hindi rin dapat mag-alala ang mga dadaan sa checkpoint dahil tiyak na negatibo sa Covid-19 ang mga pulis na nakatalaga duon.

Sinabi din ni PNP Administrative Support Against Covid-19 Task Force Commander Lt Gen. Joselito Vera Cruz, nasa 50% na ng mga pulis sa Metro Manila ang bakunado na.

Dagdag pa ni Vera Cruz, agad naman aniya sinusuri sa PNP General Hospital kung masama ang pakiramdam ng isang pulis at hindi pinapapasok ang mga ito sa duty.