-- Advertisements --

Inamin ng testigo ng prosekusyon na si Col. Manaros Boransing II sa pagpapatuloy ng ika-20 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na hindi ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) ang eksaktong layunin sa paghingi ng sertipikasyon mula sa kaniyang tanggapan.

Sa gitna ng pagtatanong ni Senator-judge Joel Villanueva, sinabi ni Boransing na inakala lamang ng kaniyang kampo na gagamitin ang naturang dokumento bilang patunay ng pagdalo o attendance sa isang aktibidad.

Ang usapin sa mga sertipikasyon ay isa sa mga pangunahing ebidensyang iniharap ng House Prosecution Panel upang patunayan ang diumano’y iregularidad sa paggamit ng confidential and intelligence funds (CIF) noong si Vice President Duterte pa ang Kalihim ng DepEd.

Lumabas sa mga nakaraang pagdinig na ginamit ng DepEd ang ilang certification mula sa mga opisyal ng militar bilang suporta sa paggasta ng pampublikong pondo.

Gayunman, ipinaglalaban ng prosekusyon na ginamit ang mga dokumentong ito nang walang sapat na batayan at pahintulot mula sa mga pumirma.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsusuri ng Impeachment Court sa salaysay ni Boransing upang matukoy kung may direktang pananagutan ang dating pamunuan ng DepEd sa alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng bayan.