-- Advertisements --

Umabot na sa P3.39 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa enhanced Southwest Monsoon o Habagat at tatlong tropical cyclone na sina Luis, Maymay at Neneng, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Batay sa pinakahuling assessment ng DA, 80,500 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan, habang nasa 72,766 ektarya ng agricultural areas ang napinsala.

Tinatayang 82,631 metric tons ng agricultural commodities ang nawala dahil sa mga weather disturbance.

Pinakamalaki sa mga naapektuhan ang palay, na nagtala ng P1.86 bilyong pinsala. Aabot naman sa P867.69 milyon ang pinsala sa high-value crops, habang P412.84 milyon ang naitalang pagkalugi sa fisheries at aquatic resources.

Kabilang sa mga lugar na may naitalang pinsala ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at Western Visayas.

Ayon sa DA, patuloy pa ang assessment at validation sa mga apektadong lugar kaya maaari pang madagdagan ang kabuuang halaga ng pinsala.

Samantala, naghanda ang ahensya ng P609.79 milyon halaga ng agricultural inputs, kabilang ang mga binhi at planting materials, para sa mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad.