-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nakararanas ng hanggang baywang na baha ang ilang bayan sa Aklan dala ng Bagyong Opong.

Karamihan sa mga binahang lugar na kinabibilangan ng 11 bayan na pawang nasa northern portion ng Aklan ay nasa ilalim ng storm signal no. 3 kasunod ng pagbuhos ng malakas na ulan na nagsimula pa hapon ng Huwebes.

Kaagad na inilikas ang mga residente kabilang ang mga sanggol at mga matatanda sa evacuation centers bago pa man tumaas ang tubig.

Samantala, ilang araw bago ang bagyo, nakahanda na ang lokal na pamahalaan ng Aklan sa inaasahang epekto ng Bagyong Opong sa probinsya.

Ayon kay Governor Jose Enrique Miraflores, nakalatag na ang mga hakbang para sa mabilis na pagtugon sa mga posibleng maapektuhan ng bagyo.

Sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessement, ipinag-utos ni Gov. Miraflores ang maagang paghahanda, lalo na ang mga evacuation centers sa 17 bayan, paglagay ng mga relief goods sa tamang lugar, at mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na madalas bahain at gumuho ang lupa.

Kasama ang PDRRMO, nakatutok ang gobernador sa pag-monitor sa bagyo sa kanilang Preparedness Operations Center sa provincial capitol.

Ipinasiguro nito na may sapat na tulong at kagamitan sa pagresponde sa mga mangangailangan ng tulong.

Sa kabilang daku, kanselado pa rin ang biyahe ng mga sasakyang pandagat palabas at papasok ng Caticlan jetty port kabilang ang mga papunta sa Isla ng Boracay dahil sa bagyo.