-- Advertisements --
BALAMBAN MJ 2

CEBU CITY – Aabot sa halos P9 million na halaga ng marijuana plants ang binunot ng pwersa ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Sitio Lacdon, Brgy. Cabasiangan, Balamban, Cebu.

Kinilala ang mga nahuli sa isinagawang operasyon kahapon na sina Albert Medio at Renald Baguio habang nakatakas naman ang iba pa na sina Lesbert Borres at Rex Martin Udtuha.

Ayon kay Police Major Christian Torres, ang hepe ng Balamban Police Station, na nagtago umano ang mga suspek sa isang kubo kaya tumalon mula sa bintana ang isa sa mga suspek nang malaman ito ng mga otoridad.

Binunot at sinunog ang higit 22,000 fully-grown marijuana plants at nagkakahalaga ang mga ito ng P8.8-million.

Nasa kustodiya ngayon ng Balamban Police Station ang ilan sa mga suspek at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.