Nagsumite ng ‘love letter’ sa Korte Suprema ang Akbayan Partylist para hilingin na masilip ang inisyung kautusan ng Pasig City Regional Trial Court kontra implementasyon ng umento sa pasahod sa kalakhang Maynila.
Kasama si Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña, nakiisa sila sa mga manggagawa na anila’y na ‘heart broken’ nang maudlot ang ‘wage hike’.
Sa isinumiteng ‘love letter’ sa Kataas-taasang Hukuman ngayong araw, nais nilang mapasuri partikular ang inisyung Temporary Restraining Order ng korte ng Pasig.
Nagresulta kasi ito para pansamantalang hindi muna matuloy ang pagpapatupad sa P85 na wage hike sa National Capital Region.
Giit ng Akbayan Partylist na sa ilalim ng konstitusyon, ang Korte Suprema ay may kapangyarihan na imbestigahan ang mga hukom at maglunsad ng pagdinig ukol sa posibleng misconduct, gross ignorance of the law, pagiging bias at iba pang administratibong paglabag.
Umaasa sila na sa pamamagitan ng ‘love letter’ ay mabibigyan pansin ang hiling para sa mga manggagawang naghihintay sa dagdag-sahod na makakatulong sana sa pangunahing mga pangangailangan.
















