Nanawagan ang environmental group na BAN Toxics para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, kasunod ng pagdagsa ng basura mula sa Manila Bay patungo sa mga waterways sa Parañaque City.
Ayon sa grupo, ipinakita ng insidente ang problema sa maling pagtatapon ng basura, kakulangan sa waste management infrastructure, at mababang kaalaman ng publiko tungkol sa tamang pagtatapon.
Batay sa Compendium of Philippine Environmental Statistics 2025, mayroon lamang mahigit na 20,458 materials recovery facilities ang bansa, kumpara sa mahigit 42,000 na barangay.
Giit ng grupo na napapanahon na para palakasin ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan ang kaalaman ng publiko tungkol sa tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura.
Nanawagan din ang environmental group na gawing bahagi ng formal waste management system ang mga informal waste workers at mabigyan sila ng social at health benefits, training, at mas ligtas na kondisyon para sa pagtatrabaho.
Matatandaang naging viral ngayong linggo ang Redemptorist Water Channel sa Baclaran River matapos lumantad ang napakaraming basura kasunod ng malalakas na pag-ulan sa Metro Manila.















