-- Advertisements --

Tinatayang 300 toneladang basura na ang nahakot mula sa Baclaran estero sa Parañaque City hanggang Martes matapos ma-ipon ang napakaraming basura sa daluyan ng tubig dahil sa tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan sa Metro Manila.

Nabatid na mahigit 50 truck na ang napuno ng mga nakolektang basura.

Gumamit din ang mga awtoridad ng floating trash boom na hinihila ng isang dredger upang tipunin at alisin ang mga basura sa estero.

Personal namang nagtungo sa lugar si DPWH Secretary Vince Dizon at sinabi niyang ipinapakita ng sitwasyon kung gaano na kalala ang problema sa basura sa bansa.

Ayon kay Dizon, nang tumaas ang tubig dahil sa high tide, inanod papasok sa estero ang napakaraming basura mula sa Manila Bay.

Tinawag niya itong isang “garbage crisis” dahil sa dami ng basurang kailangang alisin.

Ayon naman sa mga residente, ngayon lamang nila nakita na ganito karami ang basura sa estero.

Sinabi ni Parañaque CENRO Officer-in-Charge Bernie Amurao na nagmula sa Manila Bay ang malaking bahagi ng basura.

May dalawang trash catchment na dapat pumipigil sa basura mula sa Manila Bay na makapasok sa estero.

Ngunit nasira aniya ang unang harang dahil sa malalakas na alon.

Samantala, pansamantalang inalis naman ang ikalawang harang dahil isinasagawa ang dredging sa lugar.

Dahil dito, napakaraming basura ang nakapasok sa Baclaran Estero.

Kinailangan ding lumusong sa estero ang mga tauhan ng DPWH, CENRO at MMDA upang mano-manong alisin ang mga basura.

Ayon sa mga naglilinis, umaabot hanggang tuhod ang putik at maruming tubig, bukod pa sa mga matutulis na debris na maaaring makasugat.

Dahil sa maruming tubig at panganib ng leptospirosis, umiinom umano ng Doxycycline ang ilang sanitation workers bilang proteksyon.