CEBU CITY – Nagkakahalaga ng P47.6 million ang nasabat ng PNP (Philippine National Police) at PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) na mga malalaking pakete ng shabu sa isang buy bust operation ngayong umaga lamang sa Tipolo Ville, Barangay Guadalupe, Cebu City.
Nagbunsod ito sa pagkahuli sa tatlong suspek na kinilalang sina Rolando Romeo, 32-anyos; Calving Valdez, 42, at Eduard Romeo, 24, pawang residente sa nasabing barangay.
Ayon sa City Police Director na si /Josefino Ligan, nagbunga ang operasyon matapos ang dalawang buwang surveillance.
Nanggaling aniya ang mga bulto-bultong shabu mula sa San Carlos City, Negros Oriental, at na-pick up umano ng suspek na si Romeo nang makarating ang droga sa Toledo City Port.
Napag-alaman na ang pinaniwalaang may-ari ng shabu ay mula sa isang New Bilibid Prison detainee na nagngangalang Rustico Repuela.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, ibinunyag naman ni Romeo na nakapag-dispose na raw ito ng shabu noong kasagsagan pa ng quarantine lockdown sa lungsod.
Narekober ang pitong kilo ng shabu na nakabalot sa Chinese tea bag.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165.