-- Advertisements --
cropped CAMP CRAME PNP POLICEMENT FLAG DAY 3

Nakitaan ng pananagutan ang halos 50 mga tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group kaugnay sa umano’y cover up issue sa 990kg biggest drug haul sa kasaysayan ng Pambansang Pulisya noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ito ay matapos na mapag-alaman ng Special Investigation Task Group 990 na bukod kina dating PDEG director PBGEN Narciso Domingo, at PDEG Special Operations Unit chief sa Region 4A na si PCol Julian Olonan ay dawit din sa umano’y sabwatan at tangkang pagtatakip sa naturang kaso ang nasa mahigit 40 pang mga tauhan ng PDEG.

Batay sa nilagdaang memorandum ni PMGen Eliseo Cruz, ang PNP director for Investigation and Detective Management, lumalabas na mayroong criminal at administrative liabilities ang naturang mga pulis na miyembro ng PDEG kaugnay sa Php6.7 billion na ilegal na drogang nasabat mula sa pangangalaga ni dating PMSG Rodolfo Mayo Jr.

Dahil dito ay pinasusuko na ng Special Investigation Task Group 990 ang mga armas na pag-aari ng mga pulis na dawit sa nasabing kaso.

Kung maaalala, una nang ipinanawagan ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa 11 matataas na opisyal ng pulisya na umano’y direktang may pagkakasangkot sa kasong ito ang maghain na ng kanilang leave of absence para magbigay daan sa isasagawang mas mabusising imbestigasyon ng National Police Commission at SITG 990 sa kasong ito.

Bukod kay Domingo ay kabilang din sa matataas na opisyal na pinangalanan ni Abalos ay ang dating Deputy Chief for Operations na si PLTGEN Benjamin Santos Jr. bagay na pinabubulaanan ng dalawang opisyal kasabay ng paggiit na inosente sila sa naturang krimen.