-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Isinailalim sa 10 araw na localized lockdown ang 27 barangay sa Ilagan City dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, sa bisa ng Executive Order no. 15 series of 2021 ay nagsimula kaninang tanghali ang pagsailalim sa localized lockdown sa 27 barangay sa lunsod na magtatapos sa Abril 10, 2021.

Ang mga naturang barangay ay kinabibilangan ng Alibagu, Bliss Village, Calamagui 2nd, Sta. Isabel Sur, Cabisera 22, Centro San Antonio, San Felipe, Marana 1st, Naguilian Sur, OsmeƱa, Baculod, San Ignacio, Bagumbayan, Sta. Barbara, Baligatan, Calamagui 1st, San Vicente, Fugu, Cabisera 2, San Isidro, Guinatan, Arusip, Centro Poblacion, Malalam, Cabannungan 2nd, Alinguigan 2nd, at Cabannungan 1st.

Ang pagpapatupad ng localized lockdown sa mga naturang barangay ay para rin sa pagsasagawa ng contact tracing.

Kasabay nito ay ipagbabawal ang paglabas ng mga residente lalo na ang mga edad 65 pataas at 18 pababa, mga may karamdaman at kabilang sa vulnerable sector maliban na lamang kung ito ay emergency, may kaugnayan sa kalusugan, kabilang sa essential goods and services at nagtatrabaho sa mga papayagang magbukas na establisyemento.

Gayunman ay kailangan nilang kumuha ng barangay quarantine pass.

Ang pagdeliver naman ng mga essential goods sa mga nabanggit na barangay ay hanggang sa mga boarder lamang at ang mga opisyal na ng barangay ang bahalang kukuha sa mga ito.

Ipapatupad din ang 8pm hanggang 5am na crufew hours gayundin ang liquor ban.

Magbubukas naman ang Ilagan Public Market pero para lamang sa mga essential goods at dalawang daang tao lamang ang papayagang makapasok sa loob ng palengke.

Inatasan naman ang PNP, City Health Office, City Traffic Managament Group, opisyal ng barangay at mga barangay tanod na magbantay sa mga papasok sa mga naturang lugar.

Tiniyak naman ng pamahalaang lunsod na mamimigay sila ng food packs sa mga apektadong residente.

Sa ngayon, ang lunsod ng Ilagan ay mayroong 145 aktibong kaso ng COVID-19.