Iniulat ng Philippine National Police na pumalo na sa halos tatlong libong mga pulis ng may mga kamag-anak na sa kakandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCOL. Jean Fajardo, sa ngayon ay umabot na sa 2,800 na mga pulis ang kabilang sa ipinatupad na reassignment ng Pambansang Pulisya.
Ito ay matapos ang isinagawa nilang survey sa mga pulis na nagresulta sa pagkakatukoy ng nasa 2,800 na mga pulis na may mga 4th degree consanguity o hanggang pinsang buo na mga kandidato.
Paliwanag ni Fajardo, ang hakbang na ito ng PNP ay upang maiwasang makaimpluwensya sa resulta ng gaganaping halalan ang koneksyon na pulis ng mga tatakbong kandidato.
Kung maalala, una na ring binigyang-diin ni PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr. na hindi dapat masangkot sa anumang uri ng partisan politics ang mga tauhan ng Pambansang Pulisya.