BACOLOD CITY – Halos 200 na mga pasahero ang stranded ngayon sa BREDCO Port dito sa lungsod ng Bacolod dahil sa suspension ng byahe ng mga barko na papuntang Metro Manila kahapon dahil sa Bagyong Ulysses.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Capt. Eduardo De Luna, commander ng Philippine Coast Guard District Southern Visayas, automatic ang suspension ng byahe ng mga barko na papunta o nanggaling sa lugar na isinailalim sa storm signal, alinsunod sa Memorandum Circular No. 02 – 2013 ng PCG.
Ang mga stranded ay kinabibilangan ng 183 na mga indibidwal, tatlong rolling cargoes, isang motorsiklo, at mga commercial container vans na papuntang Manila.
Karamihan naman aniya sa mga sakay sa barko ay nagmula sa Negros Occidental na itinuturing na mga locally stranded individuals (LSI).
Ngayong araw, magreresume naman ang byahe ng mga barko dahil lifted na ang storm signal kagabi.