-- Advertisements --

Nasa halos 20 terorista ang pinaniniwalaang napatay sa inilunsad na aerial at ground assault ng 6th Infantry Division (ID) sa Maguindanao simula Lunes hanggang Martes laban sa Daula Islamiya terrorists.

Ayon kay 6ID commander MGen. Cirilito Sobejana, ang nasabing report ay batay sa mga nakukuha nilang indikasyon.

Kabilang umano sa mga nasawi ay ang ilang top leaders ng teroristang grupo o mga high-value targets.

Pero sinabi ni Sobejana na kanila pang bina-validate sa ngayon ang nasabing ulat.

Kasama umano sa mga nasawi sa opensiba ay sina Salahuddin Hassan, Commander Bastardo at ang Singaporean terrorist na si Mauwiyah na remnant ni Zulkifli bin Hir alyas Marwan na napatay sa bayan ng Mamasapano noong 2015.

“Oo yun, pero without any confirmation pa yan, para sigurado tayo pero there are a lot of indicators that they are part of those who got killed yesterday and last night,” mensahe ni Sobejana.

Iniulat din ng heneral na sa isinagawang clearing operations, may nakita umano silang mga nagkalasog-lasog na katawan ng tao na posible napatay sa airstrikes.

Dahil dito, hindi masabi ng militar kung ilan talaga ang bilang ng mga fatalities sa panig ng kalaban.

Nabatid na tumagal ang bakbakan hanggang nitong Martes ng madaling araw.

Samantala, ayon naman kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, ang ibinigay na mga impormasyon ng mga sibilyan ang rason kaya natukoy nila ang pinagkukutaan ng teroristang grupo.

Dagdag pa ni Arevalo na hindi tumitigil ang militar sa pagtugis sa mga teroristang grupo.

Bukod sa Maguindanao, patuloy din ang operasyon ng 103rd Army Brigade sa Lanao del Sur partikular ang grupo ni Abu Dar.