CAUAYAN CITY- Labing walong indibidwal ang inaresto ng mga otoridad dahil sa paglabag sa panuntunan ng General Community Quarantine sa Santiago City at Alicia, Isabela
Inaresto ang 14 na tao kabilang ang walong inaresto dahil sa paglabag sa social distancing pangunahin na ang “ no angkas o backride policy “.
Mula sa mga Barangay ng Villasis, Naggasican, Victory Sur at Centro East sa Santiago City ang mga inaresto habang dalawa naman ay mula pa sa mga Bayan ng Ramon at Echague na pawang mga nasa tamang edad.
Inaresto din ang tatlong iba pa matapos bigong magpakita ng GCQ Pass na mula sa mga Barangay ng Buenavista, Calao East at Centro West, Santiago City habang isa naman ang naharang sa checkpoint dahil sa paglabag sa umiiral number coding scheme para sa mga namamasadang tricycle na mula naman sa Barangay Mabini, Santiago City.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon bago ipasakamay sa kani kanilang barangay upang isailalim sa ilang oras na Community Service bilang kaparusahan.
Samantala, dinakip ang apat na indibidwal kabilang ang isang kasapi ng 4P’s at dalawang benipisyaryo ng Social Amelioration Program o SAP dahil sa pagsusugal sa barangay Aurora, Alicia, Isabela.
Ang mga inaresto ay sina Haidie, apatnaput tatlong taong gulang, miyembro ng 4P’s; Ella, tatlumput dalawang taong gulang, dalaga, tsuper ng tricycle, benepisyaryo ng Social Amelioration Program o SAP; Niel, tatlumpu’t isang taong gulang, binata, magsasaka at Flor, dalawampu’t walong taong gulang, may-asawa, benepisyaryo ng SAP, pawang residente ng Brgy. Aurora, Alicia, Isabela .
Ang mga kasapi ng Alicia Police Station ay nagsagawa ng Anti-Illegal gambling operation na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang set ng baraha, bet money na P/988.00, mga upuan, cartoon at elongated form na may pulang takip.
Ang mga suspek at mga ebidensiya ay dinala sa Alicia Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Kaugnay nito muling nagpaalala ang mga otoridad sa publiko na sumunod sa mga nakalatag na protocols sa ilalim ng GCQ upang matiyak ang kaligtasan ng nakararami.