-- Advertisements --

Umabot na sa mahigit P2.93 billion ang halaga ng pinsalang iniwan ng mga magkakasunod na bagyo at sa sektor ng pagsasaka sa bansa.

Ito ay batay sa report ng Department of Agriculture Disaster Risk Reduction and Management Operations Center kung saan pinagsama-sama ang halaga ng danyos na iniwan ng bagyong Mirasol, Super Typhoon Nando, Severe Tropical Typhoon Opong, at ang mga pag-ulang dulot ng hanging habagat.

Malaking bahagi ng pinsala ay naitala sa rice industry.

Batay pa sa datos ng DA, aabot na sa 102,000 magsasaka ang natukoy na apektado, habang ang lawak ng danyos ay sumasaklaw sa kabuuang 84,267 ektarya ng mga sakahan.

Nagdulot din ang mga magkakasunod na bagyo ng pagkasira ng kabuuang 213,164 metric tons (MT) ng agricultural products.

Inaasahang tataas pa ang naturang halaga habang isinasagawa ang monitoring at validation sa danyos na iniwan ng bagyong Paolo na nanalasa sa Northern Luzon.

Ayon sa DA-DRRMO, umabot na sa kabuuang P424.78 M ang halaga ng indemnification na natukoy na ibabayad sa mga magsasakang unang nakapagpasiguro sa kanilang mga pananim bago nanalasa ang bagyo, batay sa datos ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Pakikinabangan ito ng mahigit 43,000 insured farmers.