KORONADAL CITY – Kinilala ng Diocese of Marbel ang inisyatibo ng Bombo Radyo Philippines sa pagsasagawa ng coverage sa Sunday masses simula ngayong araw, Marso 15, sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ito ay kasabay na rin ng pagpapalabas ng advisory ng Diocese sa pamamagitan ni Bishop Cerilo Casicas na hinihikayat ang mga mananampalataya na iwasan muna ang pagpunta sa simbahan sa pagdalo ng misa, sa halip makinig sa radyo at manood sa Facebook Live.
Ayon sa obispo, ito ay bilang pagsunod na rin sa rekomendasyon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na makiisa sa ipinapatupad na precautionary at preventive measures ng gobyerno matapos na itinaas ng DOH sa Code Red Sub Level 2 ang COVID-19 crisis sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Fr. Romeo Catedral, Vicar 1 ng Christ the King Cathedral, magpapatuloy pa rin ang pagsasagawa ng misa sa simbahan kagaya ng nakagawian.
Ngunit, hinihikayat pa rin ng simbahan ang mga mananampalataya na maging bukas sa mga nangangailangan lalo na sa kinakaharap na problema hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo.