Maaring mag-anunsiyo pa umano sa susunod na linggo si President-elect Ferdinand Marcos Jr ng dalawa o higit pang mga itatalagang magiging miyembro ng bagong gabinete.
Ayon kay Atty Vic Rodriguez, ang incoming executive secretary, sa ngayon daw kasi meron pa silang kinakausap at wala pang kasagutan sa kanila ang iba sa mga ito.
Dumipensa rin ang kampo ni Marcos sa napili na opisyal bilang mga susunod na cabinet members.
Ang iba aniya sa mga ito ay hindi naman daw nila nakasama sa kampanyahan.
Nagpapakita lamang daw ito na kahit nasa ibang partido ay handa raw italaga ng incoming Marcos administration.
Ayon pa sa head ng Marcos transition team, kabilang daw aniya sa criteria sa pagpili ng miyembro ng cabinet ay may pagmamahal sa bansa at may paggalang sa saligang batas at higit sa lahat daw ay handang magsakripisyo.
Ukol naman sa report na walng pagbabago sa kalihim ng departments of agriculture at transportation, nilinaw ni Atty Rodriguez na gusto raw ni Marcos na magkaroon ng mga bagong mukha sa mga nangungunang departamento.
Nais daw kasi ng president-elect na magkaroon siya ng sariling gobyerno na sariling pamamahalaan.