ILOILO CITY – Nagdulot ng fish kill ang oil spill mula sa sumabog na power barge sa Bo. Obrero, Lapuz, Iloilo City at kumalat sa Iloilo Strait hangang sa baybayin ng Guimaras.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Guimaras Governor Dr. Samuel Gumarin, sinabi nito na malaki na ang lugi ng mga mangingisda sa lalawigan dahil sa pagkamatay ng 140 kilo ng mga isda bunsod ng langis na tumagas sa AC Energy Corporation.
Ayon sa gobernador, hindi na mapakikinabangan pa ang mga isdang namatay dahil kontaminado na ito ng langis at posibleng maaapektuhan pa ang kalusugan ng tao kung ito ay kakainin.
Ani Gumarin, 20 barangay sa Guimaras ang apektado ng oil spill na kinabibilangan ng apat mula sa bayan ng Jordan at 16 sa bayan ng Buenavista.
Nakipag-ugnayan na si Gov. Gumarin sa Philippine Coast Guard at Office of the Civil Defense upang matulungan silang makuha ang langis sa shoreline at sa mga mangrove. (photo from: Province of Guimaras)
















